TUGUEGARAO CITY-Natagpuan na ang bangkay ng isa sa dalawang college student na nalunod sa karagatang sakop ng Cabuluan West, Ballesteros, Cagayan.

Ayon kay PMAJ Marlou Del Castillo, hepe ng Ballesteros PNP, nakita ang bangkay ng 21-anyos na si Ryan Mendoza, 2nd year college student at residente ng Brgy. Cabuluan sa baybayin ng Brgy. Caritan West nitong Linggo.

Naunang natagpuan ang katawan ng 23-anyos na si Rosie Ugalino, graduating college student sa kursong civil engineering at residente ng Brgy Palloc, Ballesteros na nakita malapit sa lugar kung saan ito nalunod noong hapon ng Sabado, Marso 25.

Sinabi ni Castillo na ang mga biktima ay kalahok sa isang aktibidad ng kanilang relihiyon na ginanap sa dalampasigan ng Ballesteros.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama ang ilan pang miyembro ng kanilang simbahan na naliligo nang biglang tangayin ng mataas na alon ang dalawang biktima na sanhi ng kanilang pagkalunod.

Samantala, sinabi ni Castillo na bago pa man ang insidente ay nagkaroon ng pagpupulong kaugnay sa pagtatalaga ng mga Brgy. Tanod sa lahat ng baybayin na sakop ng Ballesteros bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong summer season at Holy Week.