
May dalawang holidays ngayong buwan ng Agosto.
Ang unang holiday ay ang Ninoy Aquino Day sa August 21, araw ng Huwebes.
Ito ay paggunita sa 42nd anniversary ng asasinasyon kay Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ang Ninoy Aquino day ay isang special non-working holiday.
Matatandaan na pinatay si Aquino noong August 21, 1983 sa Ninoy Aquino International Airport sa edad na 50.
Ang pangalawang holiday ngayong buwan ay ang National Heroes Day sa August 25, araw ng Lunes.
Ang National Heroes Day o Araw ng mga Bayani ay ginugunita sa huling Lunes ng Agosto taon-taon.
Ito ay isang selebrasyon upang alalahanin ang mga sakripisyo ng mga bayaning Pilipino sa pagkamit ng kalayaan, hustisya, at pagkakakilanlan ng bansang Pilipinas.
Binibigyang pugay din sa araw na ito ang mga modernong bayani na nagpapamalas ng kakaibang pagmamahal sa bayan.
Nag-ugat ang pagdiriwang ito sa Sigaw sa Pugad Lawin noong Agosto 1896.
Ito ang nagmarka sa simula ng Rebolusyong Pilipino laban sa mga Espanyol.
Noong ika-28 ng Oktubre, 1931, pinagtibay at itinalaga ng Philippine Legislature ang huling Linggo ng Agosto bilang Araw ng mga Bayani.
Ngunit, itinatag din ang pagdiriwang ng Araw ni Bonifacio na nakatuon din sa pagkilala sa mga hindi kilalang bayaning Pilipino.
Sa kalaunan, idiniwang ang Araw ng mga Bayani kasabay ng Araw ni Bonifacio.
Ito ay nagpatuloy hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Ibinalik ni Pangulong Elpidio Quirino ang Araw ng mga Bayani sa huling Linggo ng Agosto at itinakda ito ni Pangulong Corazon Aquino bilang isang regular holiday.
Muling binago ang petsa ng selebrasyon noong 2007 at isinabatas na ipagdiwang ang National Heroes Day sa huling Lunes ng Agosto.