Nahaharap sa mga kaso ang dalawang miyembro ng Highway Patrol Group-SOCCSKSARGEN (HPG-12) dahil sa umano’y panghahalay sa dalawang menor de edad na mga estudyante sa General Santos City.

Kinumpirma ng HPG-12 na ang dalawang suspek na isang police master sergeant at isang police senior sergeant, ay sinibak na sa kanilang puwesto at isinailalim sa restrictive custody.

Sinabi ni HPG-12 Chief, Col. Benito Recopuerto, isinampa ng kanilang himpilan ang kasong kriminal laban sa dalawa habang ang administrative aspect naman ay naibigay na sa Internal Affairs Office.

Ayon sa Golden State College, pinatigil umano ng mga suspek ang mga biktima, kapwa 17-anyos, dahil sa paglabag sa batas trapiko habang sakay sila ng motorsiklo sa isang operasyon sa Barangay Calumpang dalawang linggo na ang nakalilipas.

Subalit, dinala umano ang mga biktima sa ibang lugar kung saan umano sila hinalay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Golden State College vice president for academic affairs Josie Yap, matapos umano silang huliin ay dinala ang dalawang biktima sa impounding area para doon daw kunin ang kanilang motorsiklo at magbayad ng multa.

Ayon kay Yap, binigyan umano sila ng resibo, pero hindi naman sila nagbayad.

Naghain na ang pamilya ng mga biktima ng reklamo laban sa mga suspek.

Sinabi ni Yap na may nakikiusap umano na areglohin ang kaso, subalit determinado ang mga pamilya na maghain ng kaso.

Sumasailalim na sa counseling at debriefing ang dalawang biktima.

Ipinagpapatuloy naman nila ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng distance learning.

Samantala, daang-daang estudyante ang nagsagawa ng prayer rally sa Freedom Park at nanawagan ng hustisya.

Dala nila ang mga placards na may mga nakasulat na ‘Rape is a crime, not a shame,’ ‘Justice must be served,’ at ‘Protect the victims, not rapists.