Nahaharap sa kasong extortion ang dalawang indibidwal na nangikil sa isang aplikante ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos ang inilunsad na entrapment operation ng mga otoridad sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang biktima na si Alyas Albert habang ang mga suspek ay sina Isabelo Villaflor Ruiz, 61 anyos, self-employed, residente ng Centro 1 at si Anafe Dela Peña Sumacbay, 45 anyos, online seller at residente naman ng Brgy. Ugac Norte.
Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Cagayan, may nakasama at nakilala si Alyas Albert na isa ring aplikante at inirekomenda nito sa kanya ang dalawang indibidwal upang mas mapadali umanong maproseso ang kanilang application sa BFP dahil may mga koneksyon sila sa loob ng tanggapan ngunit kinakailangang magbayad ng P50k.
Kaugnay nito ay nahikayat naman si Albert kaya’t nakipagkita at nakipag-usap siya sa dalawang suspek sa isang Cake and Bread Shop sa lungsod at dito ay hinihingan na siya ng P25k bilang paunang bayad ngunit dahil walang dalang pera ay muli siyang inalok na gawin nalang nila itong P10k ngunit hindi pa rin siya nakapagbigay.
Bukod pa dito ay sinabihan din umano si Albert na magbigay ng isang mamahaling alak upang ibigay sa isang mataas na opisyal ng BFP kaya’t dito na nagpadala umano siya nagpadala ng P1,550 sa mga suspek sa pamamagitan ng online payment upang maipambili ng alak.
Matapos namang makipagkita sa mga suspek ang biktima ay dumulog siya sa kay FSUPT Aristotle Atal, Provincial director ng BFP Isabela at dito na siya pinayuhan ng mga hakbang na dapat gawin at agad nagkasa ng entrapment operation.
Dahil dito ay pinayuhan siya ng mga otoridad na sundin ang pinagagawa sa kanya ng dalawang supek at muli namang nakipagkita sa dati na nilang naging tagpuan at ng magkaabutan gamit ang P10k na boodle money ay agad na inaresto ang dalawang suspek na ngayon ay nasa kustodiya naman ng PNP Tuguegarao.