Tuguegarao City- Huli sa aktong pagbebenta ng overpriced na alcohol ang dalawang indibidwal matapos ang ikinasang magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa panayam kay PLT Arnel Daquioag, tagapagsalita ng CIDG Cagayan, tatlong araw na minanmanan ng mga otoridad ang mga suspek bago isagawa ang operasyon.
Unang nahuli si si alyas Robin kung saan nakuha sa kanya ang 500 ml alcohol na ibinebenta sa halagang P270 bawat piraso.
Natunton naman ng mga otoridad ang supplier ni Robin na si Alyas Samuel na nabilhan naman ng 150 bottles ng Isopropyl alcohol sa halagang P51,000.
Sinabi pa ni Daquioag na batay sa ginawang pagsusuri ay hindi umano kompleto ang labels ng mga nakumpiskang produkto.
Sa ngayon ay nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 9711 FDA Act o Unauthorized Selling of Products at RA 7581 o Price Act and Consumer Act of the Philippines.
Giit pa ng opisyal ay patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa mga online sellers at mga establishimentong nananamantala ng presyo ng paninda sa lalawigan ng Cagayan.