TUGUEGARAO CITY- Dalawang insidente ng umano’y pagpapakamatay ang naitala sa Cagayan sa loob ng isang araw noong November 17.

Una ay ang pagpapakamatay umano ng isang ginang sa bayan ng Alcala, Cagayan sa pamamagitan ng pag-inom ng pesticide.

Kinilala ni PCapt. Dennis Matias ang biktima na si Melinda Cabotaje, 44 anyos na residente ng Centro Norte.

Sinabi ni Matias na sa kanilang imbestigasyon, bago ang insidente ay kinagalitan ang biktima ng kanyang mga kapatid at iba pang kamag-anak matapos na muling tinanggap ang kanyang asawa sa kanilang main house.

Nabatid na ang mister ay kinasuhan ni Melinda ng Violence Against Women and Children subalit nagkaroon ng areglo at iniatras ng ginang ang kaso kaya nakalaya ang mister at umuwi sa bahay ng babae.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, ikinagalit umano ito ng kanyang mga kamag-anak at sinabihan pa sila na umalis na lang sa nasabing bahay na posibleng dahilan na ikinasama din ng loob ng biktima kaya siya nagpakamatay.

Sinabi ni Matias na batay naman sa salaysay ng mister ng biktima, nagising siya noong hatinggabi ng November 17 dahil sa malakas na ulan at nagtaka siya dahil sa wala sa kanyang tabi ang kanyang misis.

Hinanap umano ng lalaki ang misis subalit hindi niya ito nakita at ang nakakita sa wala ng buhay na ginang ay ang kanyang mismong anak sa isang canal sa harap ng kanilang bahay.

Ayon sa kanya, may pinulot na lalagyan ng pesticide ang anak na babae ng mag-asawa at dito niya nakita ang kanyang ina.

Samantala, nagbigti naman gamit ang tali ang isang lesbian sa Maura, Aparri, Cagayan.

Sinabi ni PLT. Julius Viernes, deputy chief of police ng PNP Aparri na sa kanilang imbestigasyon, bago nagbigti si Novie Joy Aguayo, 22 anyos ay uminom siya ng alak matapos siyang iwan ng kanyang kinakasama na isang babae.

Ayon sa kanya, narinig ng kanilang mga kapitbahay ang pag-uusap sa telepono ng biktima at kanyang kinakasama at may sinabing magpapakamatay siya kung hindi babalik ang kanyang partner.

Natagpuan naman ng kanyang tiyahin na nakabitin ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang sumilip ito dahil sa nagtataka siya kung bakit hindi siya lumalabas ng bahay.

Agad na itinawag ito sa mga pulis subalit pagdating ng mga ito ay tinanggal sa pagkakabitin ang biktima.

Sinabi pa ni Viernes na pinuntahan din nila ang sinasabing lugar ng kinakasama ng biktima sa bayan din ng Aparri subalit sinabi sa kanila na hindi umuwi doon ang babae.