Photo of PNP SOLANO

Umabot sa halos P300k na cash ang natangay ng dalawang iranian nationals dahil sa pambubudol sa tatlong indibidwal sa probinsya ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMAJ Anthony Ayungo, hepe ng Solano PNP, isang hindi pinangalanang biktima ang unang nag-report sa kanilang tanggapan sa ginawang pambubudol at pagtangay sa kanyang P4k na pera ng mga suspek na sina Salim Hassanidoust, 58 anyos kasama ang kanyang kaibigan na si Vali Jastanrazliughi na nakatira ngayon sa kalakhang maynila.

Dahil dito ay agad namang nagsagawa ng manhunt operation at naglatag ng checkpoint ang mga otoridad at dito naharang ang kotse ng dalawang suspek.

Sa pakikipag-ugnayan ng PNP Solano sa iba pang tanggapan ng pulisya sa Nueva Vizcaya ay lumabas na may nabiktima rin ang dalawa na mga negosyante kung saan tinangay ng mga ito ang P60k ng isang negosyante ng sibuyas sa bayan ng Sta. Fe habang P230k naman ang nakuha mula sa isa pang negosyante sa bayan ng Aritao.

Ang modus ng dalawa ay nakikipag-usap sila sa mga biktima at nagpapaturo tungkol sa mga philippine currency dahil hindi umano sila pamilyar dito kayat ang mga biktima ay agad namang napapaniwala at naglalabas ng bugkos ng pera.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Ayungo na pare-parehong modus ang ginawa ng mga suspek sa mga biktima at dahil mga foreign nationals at magaling mangunbinsi ay mapapayag naman ang mga ito at ang isa sa kanila ay naghayag na siya ay tila na-hypnotized.

Nang kapkapan ng mga otoridad ay nabatid na tourist visa lamang ang dokumentong hawak ng mga ito kayat nakikipag-ugnayan na ngayon ang mga otoridad sa kanilang embahada upang matukoy kung sangkot ba ang dalawang suspek sa iba pang kaso sa kanilang bansa.

Sa ngayon ay nasampahan ng kasong Swindling at Disobidience to an Agent of Person in Authority ang dalawa ngunit sila ay pansamantalang nakalaya matapos makapaglagak ng kaukulang piyansa.