Hindi makapaniwala ang rank 10 sa katatapos na Licensure Examination for Teachers na si Giselle Ramiscal Banta na makabilang siya sa mga national topnotchers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Banta ng Brgy. Sto. Nino, Angngadanan, Isabela na tila nakulangan siya sa kaniyang performance noong isinagawa ang pagsusulit kaya labis ang kaniyang pasasalamat sa naging resulta ng board exam.
Nag-focus aniya siya sa online review at sinuri ang kaniyang sarili para malaman ang mga strategy na gagawin sa pagrereview.
Binigyang diin pa niya na malaking tulong din na sabayan ng dasal ang pagre-review para makapasa sa isang pagsusulit.
Si Banta ay nagtapos ng Cum Laude sa kursong Bachelor of Elementary Education sa Isabela State University-Echague Campus.
Nakapagtala siya ng 90.60% na rating sa March 2024 Licensure Examination for Teachers.
Samantala, isa pang Isabelino ang nagbigay ng karangalan sa lalawigan ng Isabela matapos na mapabilang din sa hanay ng mga national topnotchers sa naturang board exam.
Rank 6 si Charlyne Mae Yanos Gabriel na mula sa San Mateo, Isabela na nakapagtala ng 91.40% na rating.
Graduate si Gabriel sa Philippine Normal University – North Luzon Campus.
Kahapon ay inilabas ang resulta ng mga nakapasa sa Licensure Examination for Professional Teachers noong March 17, 2024.
Nasa 20,890 elementary teachers mula sa kabuuang 44,764 examinees at 50,539 secondary teachers mula sa kabuuang 85,980 examinees ang pumasa.