Dead on arrival sa pagamutan ang dalawa sa tatlong magkakamag-anak na sakay ng isang motorsiklo nang tumilapon ang mga ito matapos salpukin ang concrete barrier sa bahagi ng Provincial Road ng Brgy Bicud, Lal-lo, Cagayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Al Zailo Mendoza, 24-anyos, isang guro at driver ng motorsiklo at ang backride nitong si Roosvelt Gerardo, nasa tamang edad habang patuloy na ginagamot sa pagamutan at nasa ligtas nang kalagayan si Jayruss Lloyd Gerardo, 31-anyos at pawang mga residente ng Brgy Centro 3 sa bayan ng Lasam.

Ayon kay PSSGT Victor Abiva ng PNP-Gattaran, pasado ala 1:00 ng madaling araw kahapon habang sakay ang mga biktima ng motorsiklo na pagmamay-ari ni Mendoza ay aksidente silang bumangga sa konkretong harang ng kalsada sa bahagi ng pakurbadang bahagi ng lansangan.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang tatlong biktima at nahulog mula sa lansangan na may lalim na limang metro.

Nagtamo umano ng matinding pinsala sa ulo ang dalawang nasawing biktima na bukod sa mga nakainom ay wala ring suot na helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na galing ang mag ito sa isang birthday party sa bayan ng Lasam at bibili sana sa isang convenient store sa Brgy. Logac, Lal-lo.