Arestado ang dalawang itinuturing na “provincial top post wanted persons” ng mga pulis ng Cagayan kahapon.

Unang naaresto ang isang 57-anyos na lalaki sa Barangay Linao East, Tuguegarao City dahil sa dalawang bilang ng kasong rape o panggagahasa na walang piyansa, at sa paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) na may inirekomendang piyansa na Php80,000.00.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Tuguegarao City Police Station katuwang ang Women and Children Protection Desk kasama ang Regional Intelligence Unit 2 at Provincial Intelligence Team Cagayan South.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng Tuguegarao CCPS habang hinihintay ang pagpapasakamay sa kanya sa korte.

Samantala, nadakip naman sa Brgy. Minanga Este, Buguey, Cagayan ang 21-anyos na lalaki dahil din sa kasong Rape at paglabag sa RA 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, na kapwa walang piyansang inirekomenda.

-- ADVERTISEMENT --

Pinangunahan ang operasyon ng PNP Buguey katuwang ang 203rd Maneuver Company ng RMFB2, 2nd Cagayan PMFC, at Provincial Intelligence Team Cagayan North. Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Buguey PS para sa kaukulang proseso.

Pinuri naman ni PCOL Mardito Anguluan ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon laban sa mga wanted persons sa lalawigan.