Nahaharap sa mga reklamong alarm and scandal, disobedience, and resisting arrest, ang dalawang lalaki na nagsuntukan sa kalsada dahil umano sa onsehan sa sa iligal na droga sa Quezon City.

Una rito, hinuli ang dalawang lalaking ayaw magpaawat sa kanilang suntukan sa kalsada

Mapanonood sa CCTV na nagkaroon ng komosyon ang lalaking nakaangkas sa motorsiklo at lalaking nagbibisikleta sa Quirino Highway noong Miyerkules, hanggang sa makita na nagpambuno ang dalawa.

Dahil sa ayaw nilang magpaawat, hinuli sila ng rumespondeng traffic enforcer.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, ang pinag-ugatan ng kanilang komosyon ang onsehan sa iligal na droga.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nakabisikleta ang tulak umano ng droga habang nakaangkas sa motorsiklo ang kaniyang parokyano.

Ayon sa pulisya, nagalit ang tulak ng droga matapos na matuklasan na ang ibinayad sa kanya ng kanyang parokyano na nakabalot hindi pera sa halip ay mga diyaryo.

Nakuha ng mga awtoridad ang 25 gramo ng shabu na may halagang P170,000, at nabawi rin ang mga piraso ng diyaryo na P15,000 na pera sana na ipambabayad sa droga.

Sinabi ng 24-anyos sa suspek na hindi niya alam na shabu ang kaniyang dala-dala, at pumayag lang siyang iabot ito dahil sa pangakong bibigyan siya ng P500.

Iginiit naman ng 26-anyos na suspek na hindi rin niya alam na puro diyaryo at hindi pera ang ipinaabot umano sa kaniya.