Patay ang dalawang lalaki matapos na hindi na makaahon mula sa balon o deep well na may lalim na 15 metro sa Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang mga biktima na sina George Suyu, 41 anyos at si Ronnie Allam, 29 anyos na kapwa mula sa Pinukpuk, Kalinga.

Ayon kay PCAPT Manuel Sabado, chief investigator ng PNP Tabuk City, trabaho umano ng mga biktima ang gumawa at mag-ayos ng balon at naitaon na sila ang contractor ng pinapagawang balon sa bahagi ng Sitio Tuliao kung kayat pumunta sila sa lugar upang suriin sana ang kanilang ginawa.

Ngunit bago nito, pinigilan umano ng kasamahan nilang si Roel Gaffud ang pagbaba ni Allam sa balon dahil sa mayroon umanong namuong gas sa loob ngunit mapilit siya at bumaba pa rin.

Dahil hindi mahintay na lumabas, sinundan naman siya ni Suyu.

-- ADVERTISEMENT --

Nabahala si Gaffud dahil sa ilang ulit niyang tinawag ang pangalan ng dalawa subalit hindi sila sumasagot kaya ipinalaam na niya ito sa iba nilang kasamahan at sa mga otoridad

Sinabi ni Manuel na maaaring na-suffocate ang dalawa sa loob.

Sa tulong ng City Disaster and Risk Reduction Management Office at iba pang rescue team ay naiahon ang katawan ng dalawa ngunit wala na silang buhay.