TUGUEGARAO CITY-Inoobserbahan ngayon sa ospital sa Tuguegarao City ang dalawang lalaki na nakipagbarilan sa mga pulis sa Buguey,Cagayan.

Sinabi ni Police Captain Joel Labasan, hepe ng PNP Buguey, bago ang insidente ay nagsasagawa sila ng mobile patrol nang makarinig sila ng putok ng baril sa Brngy.Pattao.

Dahil dito,agad silang nagtungo sa lugar at nang makita ang dalawang lalaki na sina Arthur Oliva,57 at Joni Cuaresma na sakay ng motorsiklo sa daan ay iniharang ng mga pulis ang kanilang sasakyan.

Tumigil ang dalawa subalit nagpaputok ng baril ang driver ng motorsiklo na si Oliva.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito,nagtago ang mga pulis sa likod ng kanilang sasakyan.

Dito na rin umano pinatakbo ng dalawa ang kanilang motor hanggang sa matumba sa likod ng sasakyan ng mga pulis.

Ayon kay Labasan, nang lapitan ng mga pulis ang dalawa ay itinutok umano ni Cuaresma ang kanyang hawak na pellet gun na inakala ng mga pulis na tunay na baril kaya tumakbo sila sa harap ng kanilang sasakyan.

Sinabi niya na nagpaputok muli ng baril si Oliva na dahilan upang gumanti na rin ang mga pulis.

Tinamaan sa kanyang balikat si Oliva habang sa tiyan naman si Cuaresma.

Sinabi ni Labasan na inihahanda na nila ang kasong illegal possession of firearms, paglabag sa Comelec gun ban at attempted homicide.