Patay ang dalawang magsasaka na sakay ng motorsiklo matapos na masagi sila ng isang elf sa bayan ng Santa Teresita, Cagayan kahapon.
Sinabi ni PMSG Eulysses Saliganan, imbestigador ng Santa Teresita Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na papunta sa east direction ang dalawang sakay ng motorsiklo nang mabangga nila ang barikada ng checkpoint sa Barangay Simpatuyo.
Eksakto naman na parating ang elf na mula sa opposite direction at hindi nakita ang motorsiklo dahil sa umuulan nang mga sandaling iyon na nagbunsod para masagi ang motor sa banda ng driver’s seat ng van.
Tumilapon at pumailalim sa elf ang mga biktima, at dahil sa matinding pinsala sa kanilang ulo ay agad silang binawian ng buhay.
Ayon kay Saliganan, posibleng na ang isang dahilan ng aksidente ay ang makulimlim at maulan na panahon.
Nabatid na galing ng Gonzaga ang elf na naghatid ng mga bigas at pabalik na sa kanilang opisina sa Aparri, habang ang dalawang biktima ay kapwa residente ng Santa Teresita.