
Kinukumpuni na ng mga tauhan ng Metro Tuguegarao Water District o MTWD ang dalawang pipeline na sinadya umanong tinaga sa Sitio Caronsi, Barangay Parabba, Peñablanca, Cagayan kagabi.
Sinabi ni Engr. Miller Tanguilan na marami ang apektado ngayon ng kawalan ng suplay ng tubig kabilang ang dalawang malaking ospital sa lungsod ng Tuguegarao ang isa ay ang Cagayan Valley Medical Center.
Ayon kay Tanguilan, apektado ng water interruption ang upper portion ng Brgy. Caggay, Tuguegarao, capitol hill, PNP Region 2, regional government center hanggang sa Brgy. Carig Norte.
Sinabi ni Tanguilan na nakita nila ang tinaga na dalawang tubo matapos na mamonitor nila kamakalawa ng gabi na walang pumapasok na tubig sa watar reservoir sa Brgy.Alimannao, Peñablanca mula sa kanilang spring water source sa Brgy. Parabba.
Nagpalipad sila ng drone kahapon ng umaga at nakita sa lugar na dalawang main water transmission pipeline ang naputol dahil sa pananaga.
Dahil dito, sinabi ni Tanguilan na nagsasagawa na sila ng water rationing lalo na sa dalawang ospital at sa iba pang lugar na apektado ng insidente.
Idinagdag pa ni Tanguilan na nakipag-ugnayan na rin sila sa pulisya sa Peñablanca para sa imbestigasyon sa nasabing insidente.
Kaugnay nito, sinabi ni Tanguilan na kasalukuyan na nilang pinapalitan ang mga tubo sa nasabing lugar ng steel pipe dahil 1920s pa ang mga ito at upang maiwasan ang mga katulad na insidente.




