TUGUEGARAO CITY- Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard sa dalawang mangingisda na nawawala matapos na pumalaot sa dagat nitong araw ng Linggo, March 27.
Sinabi ni Joe Robert Arirao, Bombo Correspodent sa Calayan na pumalaot sa dagat sa bahagi ng Dalupiri sa Calayan sina Wilfredo Galleto at Antonio Dela Peña, kapwa residente ng Claveria ng umaga ng Linggo at nang hindi na bumalik ang mga ito sa kanilang lugar ay idinulog na ito ng kanilang pamilya sa PCG sa nasabing bayan.
Agad naman na nagsagawa ng paghahanap ang PCG Claveria subalit nabigo ang mga ito na mahanap ang dalawa.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang PCG sa kanilang sub- units maging sa ILocos at sa iba pang kinauukulan para agad na ipagbigay alam sa kanila kung makikita ang dalawang mangingisda sa kanilang cellphone number 09982282760.
Sakay ang dalawa sa isang lampitaw na MV King Usher na kulay puti at asul.
Kaugnay nito, umapela naman si Dr. Evelyn Ame ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 2 na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at sa iba pang otoridad kung makikita nila ang dalawang mangingisda.