Dalawang mango growers sa Cagayan at Isabela ang natulungan ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na maibenta ang kanilang produkto ngayong peak harvest season ng mangga.

Itoy bukod pa sa apat na kooperatiba na natulungan ng ahensya para sa transportasyon at market linkage sa mga institutional buyers at consumers.

Ayon kay Saih Paccarangan, Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) chief ng DA-RO2, nasa 736 kilos ng mangga ang binili at ibinenta ng DA mula sa isang magsasaka sa San Mateo, Isabela na nag-viral kamakailan matapos itapon ang ilang kilo ng ani na nahinog nang ibiyahe sa Metro Manila at hindi na maibenta.

Nasa 700 kilo ng mangga naman ang naibenta ng DA mula sa isang mango grower sa Cagayan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang market reach.

Bukod dito ay nakapagbigay din ang ahensya ng logistical assistance sa apat na kooperatiba sa rehiyon sa pamamagitan ng paggamit ng KADIWA delivery trucks para maibsan ang problema ng mga magsasaka sa logistics at transportasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bahagi aniya ito ng interventions ng pamahalaan para sa mga local mango farmers upang matiyak ang abot-kayang food products sa merkado.

Sa ngayon ang presyo ng big size na mangga ay nasa P25-P30 kada kilo habang P15 naman sa mixed o assorted sizes.