Ipinag-utos ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil ang pagsibak sa mga pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) habang nakabinbin ang imbestigasyon sa alegasyon na tinangka nilang kikilan ang ilang dayuhan na pinaghihinalaan na may operasyon ng scam hub sa Manila.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla, sinibak sina NCRPO chief Police Maj. Gen. Sidney Hernia and PNP-ACG chief Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga ng 10 araw na nagsimula kahapon.
Sinalakay ng mga opisyal ng NCRPO at PNP-ACG ang pinaghihinalaang scam hub sa Century Peak Tower sa Ermita, Manila, noong October 29 kung saan ay hinuli ang 69 na dayuhan na kinabibilangan ng 34 na Indonesian, 10 Malaysian at 25 Chinese nationals.
Sangkot umano sa scam hub sa cryptocurrency at romance scams.
Kinumpiska ng mga nagsagawa ng raid ang mga mobile phones, desktop computers, laptops, at maraming SIM cards.
Subalit, pinalaya ng pulisya ang mga nasabing dayuhan matapos na tumanggi ang Bureau of Immigration na ikustodiya ang mga ito.
Ipinaliwanag ng BI na hindi kasi ibinigay ng PNP ang mga kailangan na imporamasyon at reports para maiproseso ang mga nasabing dayuhan.
Nitong araw ng Lunes, naghain ng reklamo ang apat na Chinese sa National Police Commission, na inaakusahan si Hernia at kanyang mga tauhan na tinangka silang hingan ng P1 million sa bawat isa sa kanila kapalit ng serbisyo ng abogado na mayroon umanong kaugnayan sa NCRPO at maimpluwensiyang mga awtoridad.
Mariing pinabulaanan naman ni Hernia ang nasabing alegasyon ng extortion laban sa kanya at sa 14 tauhan.