photo credit: PNP Apayao

Kulong ang dalawang miyebro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos mahuli ng mga otoridad sa inilatag na checkpoint sa bayan ng Conner, Apayao.

Kinilala ang dalawang nahuli na sina “Ka Cris”, 36 anyos, tubong San Mateo, Isabela at kasalukuyang naninirahan sa Bagong Pag-asa, Quezon City, kasama si “Ka Zin”, 30 anyos, na resident ng Dagat Dagatan, Barangay Longos, Malabon City na kapwa miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee, Kilusang Larangang Guerilla- North Abra sa ilalim ng pamumuno ni Florencio Malaga Baloga aka “BRAM”.

Sa panayam kay PMAJ Rafael Suba, Acting Chief ng Apayao Police Community and Development Unit, unang ipinagbigay alam ng mga concerned citizen sa PNP Cabugao ng makita ang presensya ng dalawa sa isang gasolinahan ngunit ng respondehan ng mga otoridad ay nakaalis na ang mga ito.

Agad namang inalerto ng PNP Cabugao ang iba pang tanggapan ng pulisya at kasundaluhan at agad namang naglatag ng checkpoints sa mga entry and exit points sa Apayao.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, muling namataan ang dalawang motorsiklong sinasakyan ng mga ito bago ang checkpoint sa bahagi ng Conner at nagulat ang mga otoridad ng bumaba ang driver ng isang motorsiklo at humingi ng tulong sa mga pulis dahil pinuwersa umano silang ihatid ang dalawang rebelde sa bayan ng Tuao.

Paliwanag umano ng hindi na pinangalanang lalaki ay natakot siya sa mga rebelde kaya’t pumayag na lamang sila ng kanyang isa pang kasama na ihatid ang mga ito.

Dahil dito ay hinold ng mga otoridad ang dalawa maging ang kanilang motorisklo at dinala sa Conner Police Station kung saan batay sa ginawang interogasyon ay umamin ang isa sa kanila na sila nga ay miyembro ng comunistang grupo.

Tinawag naman ng mga otoridad ang mga dati ng nagbalik sa pamahalaan at batay sa kanilang kumpirmasyon ay dati na nilang kasamahan ang dalawang nahuli.

Nakuha rin mula sa pag-iingat ng mga ito ang iba’t ibang subersibong dokumento, mga notebooks na may mga nakasulat na code numbers at call signs at mga uniporme ng mga miyembro ng police Special Action Force (SAF).

Nabatid pa mula kay Suba na batay sa kanilang pakikipag-ugnayan ay nagsasagawa rin umano ng recruitment ang dalawa sa bahagi ng Barangay Daraga kung saan namalagi sila ng dalawang linggo sa lugar.

Ayon sa kanya, ang barangay Daraga ay isang maituturing na liblib na lugar kung saan walang nakakarating na sasakyan dito at kinakailangan pang tumawid ng ilog bago ito marating.

Hawak ngayon ng mga otoridad ang dalawang nahuli na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11479 o ang kasong may kaugnayan sa Recruitment to and Membership in a Terrorist Organization.