Naaresto ng mga awtoridad sa Cagayan ang dalawang indibiduwal na kabilang sa listahan ng most wanted persons sa lalawigan at sa Region 2 kahapon.
Unang naaresto sa Brgy. Marede, Sta. Ana, Cagayan si aka Kiko, 18-anyos, estudyante, at residente ng nasabing bayan.
Siya ay tinaguriang provincial number 2 most wanted person dahil sa kinakaharap nitong kaso na statutory rape na walang piyansa.
Ang operasyon ay isinagawa ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Sta. Ana Police Station.
Samantala, naaresto naman si aka Harry, 27-anyos, negosyante at residente ng Sta. Ana sa Caloocan City, Metro Manila.
Tinagurian naman siyang regional number 8 most wanted person dahil sa kinakaharap nitong dalawang kaso ng paglabag sa RA 9208 na inamyendahan ng RA 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 – parehong walang rekomendadong piyansa.
Ang operasyon ay isinagawa naman ng pinagsanib na puwersa ng Gonzaga Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit – CPPO, 4th Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, Regional Maritime Unit 2, at 203rd Maneuver Company ng RMFB2.
Kaugnay nito, tiniyak ni PCOL Mardito Anguluan, director ng PNP Cagayan na tuloy-tuloy ang mga oprasyon ng kapulisan ng lalawigan sa pagtugis sa mga kriminal.