Nasawi ang dalawang miyembro ng makakaliwang grupo matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at New People’s army o NPA sa Sitio Pallay, Barangay Baliuag, Peñablanca Cagayan.

Ayon kay PCapt. Leif Bernard Guya, deputy chief of police ng PNP Peñablanca, dinala sa isang punerarya dito sa lungsod ng Tuguegarao ang mga bangkay.

Kinilala ang lalaking nasawi na si alyas Jorly na mula umano sa bayan ng Rizal, Cagayan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng babaeng nasawi na kumpirmadong estudyante mula sa isang Unibersidad sa kalakhang Maynila.

Nagtamo ng mga tama ng baril sa katawan ang dalawang nasawi sa nangyaring sagupaan dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Batay sa impormasyon mula sa 502nd Infantry Brigade ng Philippine Army, dakong alas-2:00 hanggang alas-3:00 ng madaling araw nitong Miyerkules ng makatanggap ng impormasyon ang kasundaluhan kaugnay sa kinaroroonan ng mga rebelde na agad naman nilang nirespondehan.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito ay naganap na ang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at tinatayang 17 miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV).

Tumagal ang bakbakan sa loob ng 20 minuto na nagresulta sa pagkakasawi ng dalawang miyembro ng NPA.

Narekober din ang ilang mga kalibre ng baril na naiwan ng rebeldeng grupo.

Sa ngayon ay kasalukuyan na ang clearing operation ng mga tropa ng gobyerno sa nasabing lugar.