TUGUEGARAO CITY-Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa magkasunod na sagupaan sa 17th Infantry Battalion sa Brgy. Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.

Ayon kay CAPT Rigor Pamittan ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, nasa 15 katao miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley ang nakasagupa ng militar.

Una aniyang naganap ang sagupaan ng 3:00 ng hapon at tumagal ng 30 minuto at nang matapos ay nakita ng militar ang isang bangkay ng lalaking nasawi habang na-recover din sa lugar ang naiwang M16 rifle at iba pang mga armas na iniwan ng mga tumakas na rebelde.

Habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang militar bandang 4:00 ng hapon ay muli na naman nilang nakasagupa ang rebeldeng grupo dalawang kilometro ang layo mula sa unang pinangyarihan ng engkwentro at ito ay tumagal din ng 15 minuto.

Sinabi ni Pamittan na isa muling kasamahan ng mga rebelde ang binawian ng buhay at narecover din ng kasundaluhan ang isa pang boost master gun na naiwan ng mga tumakas na NPA.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi ni Pamittan na may nasugatan din sa rebeldeng grupo dahil sa may nakitang mga bakas ng dugo.

Inihayag niya na ang mga nasabing rebeldeng grupo ay ang una ring nakasagupa ng mga sundalo sa Barangay Hacienda Intal nitong Pebrero dos kung saan ay umabot sa mahigit 100 residente sa ibat ibang mga sitio ang inilikas.

Sinabi ni Pamittan na gumamit ng air assets ang militar bilang suporta sa hot pursuit operation ng mga sundalong nasa ground.

Idinagdag pa ni Pamittan na hinihintay pa nila ang ulat mula sa LGU Baggao kung may mga lumikas na mga residente sa mga pinangyarihan ng labanan