Tuguegarao City- Ipatutupad na sa Tuguegarao City ang ordinansang magpapahintulot sa mga tricycle driver na magsakay ng dalawang pasahero sa isang tricycle.
Ito ay matapos na pirmahan ni City Mayor Jefferson Soriano ang ipinasang ordinansa ng konseho ng Tuguegarao.
Ayon kay Mayor Soriano, isang pasahero ang uupo sa sidecar ng tricycle habang ang isa naman ay uupo sa likod ng driver kaya’t kinakailangan na maglagay ng barrier ang mga ito.
Binigyang diin ng alkalde na may pagbabago sa fare matrix sa pamamasada kung saan kung mag-isang sasakay na mula sa poblasyon ay 25 pesos ang pasahe.
Kung dalawang pasahero naman ang sasakay ay paghahatian nila ang P40 na itinakdang pamasahe kaya’t P20 lamang ang babayaran ng bawat isa.
Kaugnay nito, sa layong 3km palabas ng poblasyon, inihalimbawa ng alkalde na kung P50 ang babayaran ng iisang sasakay ay magiging P30 lamang sa bawat isa kung dalawa ang pasahero.
Sa layong 6-7km palabas ng poblasyon, kung ang pamasahe ng iisang sasakay ay P75, sa dalawang sasakay ay magiging P40 nalamang ang babayaran ng bawat isa.
Mananatili naman ang number at color coding sa pamamasada ng mga traysikel sa lungsod.
Sinabi pa ni Mayor Soriano na kaninang 12:00am Oktubre 31 ay nag-uumpisa na ang pagpapairal ng curfew hanggang alas 4:00 ng umaga.
Samantala, mahigpit na ring ipinatutupad sa lungsod ang mga oras sa pagbabawal ng paggamit ng videoke.
Batay sa ordinansa, mula Lunes hanggang Biyernes, bawal gumamit ng videoke sa mga oras ng 7am-9pm habang sa mga araw ng Sabado at Linggo ay 7am-5pm lamang.
Paliwanag ni Mayor Soriano na ito ay upang makaiwas sa ingay at istorbo sa mga nagsasagwa ng online class ngayong blended learning ang ginagawang pamamaraan ng pag-aaral ng mga estudyante.