Pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang piloto ng bumagsak na Philippine Air Force (PAF) FA-50PH fighter jet noong Martes ng madaling araw.
Kinilala ng PAF ang dedikasyon, katapatan, at katapangan ng dalawang piloto.
Nakita na rin ang nasabing fighter jet at katawan ng mga piloto kahapon sa kabundukan ng Bukidnon.
Matatandaan na iniulat na nawala sina Maj. Jude Salang-oy at 1Lt. April John Dadulla, ang mga piloto ng jet noong madaling araw ng Martes, matapos na mag-take-off ito mula sa Mactan, Cebu, para suportahan ang ground troops laban sa rebeldeng grupo.
Natagpuan ang bumagsak na jet sa Mount Kalatungan range, malapit sa border ng mga bayan ng Pangantucan at Talakag, batay sa kumpirmasyon ni Eastern Mindanao Command spokesperson Lt. Col. Salvacion Evangelista.
Sinabi ni Lt. Col. Francisco Garello, chief ng 4th Infantry Division Public Affairs Office, ang 1st Special Forcdes Battalion ng 403rd Infantry Brigade ang inatasan na kumuha sa mga labi ng dalawang piloto.
Si Salang-oy, tubong Taloctoc, Kalinga, ay naging delegado sa 2023 International Aerospace Symposium sa South Korea, habang si Dadulla ay tubong Manolo Fortich, Bukidnon.
Bumuhos ang pakikidalamhati mula sa mga pamilya, katrabaho, at mga kaibigan para sa dalawang piloto.
Kaugnay nito, grounded ang FA-50 fleet ng PAF, kasabay ng pangako ng magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon sa nasabing insidente.