
Kinumpirma ng Chinese Embassy sa Maynila na dalawang Pilipinong tripulante ang nasawi habang may isang kritikal na nasugatan matapos tumaob ang isang Singaporean-flagged cargo vessel na M/V Devon Bay sa Scarborough o Panatag shoal.
Base sa ibinahaging report ng Chinese Embassy, nasa kabuuang 17 mula sa 21 Filipino crew member na sakay ng cargo vessel ang nasagip ng China Coast Guard habang patuloy namang pinaghahanap pa ang nawawalang apat na crew.
Sa mga nasagip na crew, 14 dito ang nasa stable condition, habang ang isa ay isinasailalim sa emergency medical treatment.
Ayon sa embahada, naglalayag ang cargo vessel mula sa Pilipinas patungong Guangdong, China nang mangyari ang insidente.
Idineploy na aniya ang Chinese military aircraft para magsagawa ng aerial search sa pinangyarihan ng insidente, habang dalawang CCG vessel na malapit sa lugar ang inatasang magtungo sa lugar para tumulong sa rescue operation.
Nakatakdang magpadala ang China ng karagdagang rescue teams para magtungo sa pinangyarihan ng insidente.










