TUGUEGARAO CITY- Isinasailalim na sa due process ang dalawang pulis na nahuli na nasa loob ng sabungan.

Sinabi ni PCapt. Sharon Mallillin ng PNP Cagayan na mapapatawan ng kaukulang parusa ang dalawang pulis sa sandaling matapos ang kanilang ginagawang imbestigasyon.

Ayon kay Mallillin, ang isa ay nakadestino sa Calayan PNP habang ang isa naman ay sa PNP Cagayan.

Samantala, hawak na ng PNP-Cagayan ang walong katao na kabilang sa top most wanted sa provincial level maging ang number 2 most wanted sa regional level kasabay ng kanilang isinasagawang ”one time big time operation” na nagsimula nitong Enero 9 at magtatapos hanggang Enero 15, 2020.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Mallillin, nahaharap sa iba’t-ibang kaso ang walong katao na wanted sa lalawigan habang 15 counts of rape naman ang kinakaharap ni Buenvenido Archenda Jr. ng Baggao na nasa number 2 most wanted sa regional level.

Bukod dito, siyam na katao rin ang naaresto dahil sa paglabag sa PD 705 o ang illegal logging, dalawa sa R.A 9165 o ang comprehensive Dangerous drugs act , anim dahil sa pagbibitbit ng baril na walang kaukulang dokumento, 66 naman ang nagsuko ng kanilang chainsaw na walang permit at tatlo ang nagsuko ng kanilang baril na expired na ang kanilang permit.

Sa ibang usapin, sinabi ni Mallillin na kasalukuyang lumilikom ng tulong pinansyal ang kapulisan para sa mga apektado ng pag-alburoto ng bulkang Taal.