TUGUEGARAO CITY- Iniimbestigahan pa ng PNP kung may kinalaman sa halalan ang nangyaring pagpapaputok ng baril ng apat na kalalakihan sa dalawang pulis sa bayan ng Rizal, Cagayan kagabi.

Sinabi ni PCAPT Isabelita Gano, information officer ng PNP Region 2 na hindi pa maituturing na election related violence ang insidente dahil sa aalamin pa kung sino ang mga responsable dito at kung ito ay may kinalaman sa pulitika o kagagawan ng New People’s Army.

Batay sa paunang pagsisiyasat, nagbabantay ng mga election paraphernalia sina PSMS Michael Tayad at PAT Silvestre Ruiz sa Barangay Lattut malapit sa Lattut Elementary School nang mapansin nila ang dalawang motorsiklo na may backriders na biglang huminto sa national highway at nagpaputok ng kanilang mga baril sa kanilang direksiyon.

Tumagal umano ng 20 minuto ang pagpapaputok ng baril ng hindi nakikilalang mga suspek.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 40 bala mula sa automatic long firearm na hinihinalang m16 rifle.

-- ADVERTISEMENT --