TUGUEGARAO CITY-Nahuli na ang dalawang kasabwat ng dalawang tauhan ng isang fish vendor sa Tuguegarao City sa nangyaring ‘hold-up me’ kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao na nahuli si Anthony Ortega sa Casingsingan, Amulung kagabi habang sa Natapian West, Solana naman si Fernando Raet kaninang madaling araw.

Ayon kay Taguiam, nakuha sa pag-iingat ni Ortega ang P45, 000 at 41 na bala habang 38 revolver, 60 na mga bala at P20, 000 kay Raet.

Nabatid pa na dating tauhan din ng biktima na si Cristina Villanueva ang dalawa.

Una rito, nabisto ng PNP na ‘hold-up me’ ang naging pahayag nina Joseph Saquing at Aladin Dela Cruz, kapwa driver ng biktima at inatasan na bumili ng mga isda sa Navotas.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa unang kwento ng dalawang suspek, habang sila ay nagpapagasolina isang gasoline station sa Brgy. Namabbalan ay bumaba sa kanilang sasakyan si si Dela Cruz bitbit ang sling bag na naglalaman ng pera na nasa kalahating milyong piso upang umihi at pagbalik nito sa sasakyan ay dito naman umano dumating ang dalawang lalaking nakamotorsiklo.

Pinadapa umano ng dalawang sakay ng motorsiklo si Dela Cruz at tinangay ang sling bag at pagkatapos ay kinuha ang cellphone at susi kay Saquing na nasa sasakyan.

Gayunman, sa nakuhang CCTV footage ng pulisya sa gasoline station ay nakita na kusang inabot ng dalawang suspek ang pera at cellphone sa dalawang nakamotorsiklo na kalaunan ay inamin ni Saquing na pinagplanuhan ni Dela Cruz ang naturang modus dahil nangangailangan ito ng pera.

Sinabi ni Taguiam na agad silang nakipag-ugnayan sa PNP Solana at Amulung para sa paghuli sa dalawang kasabwat matapos na ikanta ng dalawang driver ang kanilang pagkakakilanlan at kanilang kinaroroonan.