Nagpahayag ng suporta sina Senator Juan Miguel Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva sa panukala ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na magsagawa ng random drug testing sa mga opisyal at empleyado ng Senado.

Ito ay kasunod ng ulat ng umano’y paggamit ng marijuana ng isang staff ni Senator Robin Padilla sa loob mismo ng Senado.

Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, sasailalim siya at ang kanyang opisina sa drug testing sa darating na Lunes.

Bukod pa rito, handa rin umano siyang sumailalim sa mas masusing hair follicle drug test upang masiguro ang pagiging malinis sa iligal na droga.

Dagdag pa niya, dapat lahat ng opisina at senador ay gawin din ito bilang patunay ng integridad ng kanilang serbisyo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpahayag din si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng kanyang buong suporta sa naturang hakbang.

Ayon sa kanya, matagal na niyang sinusuportahan ang ganitong klaseng inisyatibo at naniniwala siyang mahalaga ito para mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga lingkod-bayan.

Handa rin umano siyang sumailalim sa anumang uri ng drug test.

Aniya, mahalagang sila mismo, bilang mga mambabatas, ang unang maging ehemplo ng pagsunod sa batas.

Kaugnay nito, iniutos na rin ni Senate President Chiz Escudero ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng insidente sa staff ni Padilla, kung saan lumutang ang pangalan ng aktres na si Nadia Montenegro.

Bagama’t itinanggi ni Montenegro ang paggamit ng marijuana, inamin niyang may dala siyang vape, na posibleng pinagmulan ng naamoy na kakaibang amoy sa CR.