Dalawang sundalo ang nasugatan sa dalawang magkasunod na engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New People’s Army sa bayan ng Balbalan, Kalinga kahapon.
Sinabi ni Major Rigor Pamittan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, Philippine Army na nagpapagaling na sina Corporal Jonard Addatu at PFC Rogimar Cuyen matapos silang agad na binigyan ng medical attention.
Ayon kay Pamittan, nagtamo ng tama ng bala sa kanyang kanang binti si Addatu habang sa likod naman si Cuyen.
Sinabi ni Pamittan na unang nangyari ang engkwentro sa Barangay Balbalan Properk kung saan nakasagupa ng mga sundalo ng 103rd Infantry Battalion ang 10 miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya Baggas na kumikilos sa Kalinga kahapon ng umaga.
Nakuha sa encounter site ang dalawang mataas na uri ng baril, mga bala at mga pampasabog.
Sumunod naman ang sagupaan sa Barangay Balantoy matapos na makita ng mga sundalo ng 19th Infantry Battalion ang tumatakas na mga rebelde na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Nakuha naman sa lugar ang isang m16 rifle at dalawang bagpack ng nasabing rebeldeng grupo.