
Naihatid na sa kanilang pamilya ang mga labi ng dalawang nasawing sundalo matapos tamaan ng kidlat na ikinasugat naman ng apat na iba pa habang nagsasagawa ng security operations sa bulubunduking bahagi sa lalawigan ng Kalinga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Corp Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela at PFC Inmongog Aronchay mula Sadanga, Mt. Province, kapwa miyembro ng 54th IB
Ayon kay Major Rigor Pamittan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, Philippine Army, habang abala ang tropa sa pagtugis sa mga natitirang kasapi ng New Peoples Army sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil ay nakaranas ng masungit na panahon sa bulubunduking bahagi ng probinsiya na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Agad na nasawi ang dalawang sundalo habang ang apat na iba pa ay kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa 5th ID station hospital.
kasunod ng pagpapaabot ng pakikidalamhati ay tiniyak ng pamunuan ng Philippine Army ang tulong para sa naulilang pamilya ng mga nasawing sundalo at gayundin sa mga pamilya ng mga sundalong nasugatan.




