Patay ang dalawang sundalo at sugatan ang isang sibilyan sa engkwentro sa pinaghihinalaang New People’s Army (NPA) sa Barangay Babaclayon, San Jose De Buan, Samar kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Antonio Nafarrete, nagdadalamhati sila sa pagkamatay ng dalawang sundalo, at hindi umano malilimutan ang kanilang sakripisyo para sa bayan.

Kasabay nito, nagpaabot na siya ng pakikiramay sa pamilya ng fallen soldiers at nangako na magbibigay sila ng tulong.

Samantala, nanawagan si Nafarrete sa mga miyembro ng NPA na isulong ang peaceful reintegration dahil sa hindi ititigil ng Philippine Army ang pagtugis sa mga natitirang mga miyembro ng rebeldeng grupo.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng 8th Infantry Division, nangyari ang engkwentro nang tumugon ang tropa ng pamahalaan sa sumbong ng mga residente na sapilitan umano na sinakop ng mga rebelde ang mga pribadong ari-arian at ginamit na hideouts.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng 8ID na ito ay paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).

Ayon sa 8ID, sinalubong ang mga sundalo ng mga putok ng baril nang pasukin ang kanilang hideout na nagbunsod para gumanti ang mga tropa ng pamahalaan.

Habang inilalayo umano ang mga sibilyan na madadamay sa labanan, pinuntriya sila ng rebeldeng grupo.

Nagsasagawa na ng hot puruit operations ang tropa ng pamahalaan sa natitirang miyembro ng rebeldeng grupo upang mapanagot sila sa kanilang ginawa.