TUGUEGARAO CITY- Dalawang suspek ang magkasunod na hinuli ng mga otoridad sa magkahiwalay na insidente ng umano’y panggagahasa sa dalawang menor-de edad sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Cpl. Jenelyn Baligod, ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng PNP-Tuao na unang hinuli ng pulisya ang hindi na pinangalanang 28-anyos na suspek, may-asawa at residente ng Brgy. Malalinta matapos siyang ireklamo ng 14-anyos na biktima ng panggagahasa noong gabi ng Enero 31, ngayong taon.

Bago umano ang panghahalay ay niyaya umano ng suspek na sumakay sa kanyang motorsiklo ang biktima na magpapalod lamang sana sa tindahan.

Pumayag umano ang biktima ngunit sa halip na ibaba sa tindahan ay dinala umano siya ng suspek sa ilalim ng tulay sa Brgy. Angang kung saan siya tinutukan ng patalim at dito na naganap ang pang-aabuso.

Base sa resulta ng medico legal examination, positibong ginahasa ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kasama ng magulang ay inireklamo naman ng isa pang 14-anyos na biktima umano ng panggagahasa ang kanyang nobyo na nakilala lamang niya sa social media.

Batay sa reklamo ng biktima, bigla umanong pumasok sa kanyang kwarto ang suspek habang ito ay natutulog sa kanilang bahay sa Brgy. Pata ng madaling araw ng Pebrero 3.

Matapos ang panggagahasa ay dinala pa umano ng suspek ang biktima sa kanyang trabaho sa lungsod ng Tuguegarao na agad namang nahanap at nabawi ng kanyang magulang.

Sinabi ni Baligod na boluntaryo namang sumuko ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Child Abuse Law.

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa lokal na Department of Social Welfare and Development hinggil sa kaso.