Hinuli ang dalawang tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mg awtoridad sa bayan ng Abulug, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Rodny, 51-anyos, may asawa, laborer, residente ng Abulug at alyas Arnesto, 41-anyos , may asawa, isa ring laborer at residente sa bayan ng Ballesteros.
Una rito, nagpanggap na buyer ang isang operatiba at sinabing bibili ng isang sachet ng shabu.
Agad na hinuli ang dalawa nang bentahan ang nagpanggap na buyer ng pinaghihinalaang shabu na nakalagay sa isang heat-sealed transparent plastic sachet.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu, isang libong piso (buy-bust money), perang nagkakahalaga ng P1,650 na nakuha mula kay Rodny at P1,150 naman mula kay Arnesto.
Nakuha rin ang dalawang unit ng cellphone, isang motorsiklo at isang pirasong lukot na papel kung saan narekober ang drug item.
Dinala ang mga suspek at maging ang mga nakuhang mga ebidensiya sa himpilan ng PNP Abulug at sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng operasyon ng PNP Abulug upang masugpo ang illegal na droga sa kanilang nasasakupan.