Mainit parin ang labanan ng dalawang US presidential candidates na sina dating US President Donald Trump at US Vice President Kamala Harris sa kabila ng nalalapit na eleksyon, ayon kay Gabriel Ortigoza, Bombo International News Correspondent sa California.
Aniya, base sa latest survey ay nangunguna ngayon si Kamala Harris na may 48% habang si Donald Trump ay may 46.8%, na naglalagay sa kanilang agwat na 1.1%.
Aniya ilan sa mga lugar sa nasabing bansa na makakapagbigay ng malaking tulong sa sinumang kandidato na makakuha ng suporta mula sa mga botante ay ang mga estado tulad ng California na may 55 Electoral College votes, New York na may 39, at Texas na may 34.
Dikit rin umano ang labanan sa mga lugar gaya ng Arizona at Nevada, maging sa Michigan at Ohio na nagdadala ng tensyon sa kampanya.
Ayon kay Ortigoza, bagamat nahaharap si Trump sa 34 na felony charges ay nananatili parin ang kanyang mga tagasuporta, kabilang na ang mga religious groups, kung saan 40% ng mga Amerikano ay mga Republican.
Sa kabilang banda, si Kamala Harris, na dating Attorney General ng California, ay may matibay na reputasyon sa pakikipaglaban sa mga drug cartel at malalaking korporasyon na hindi nagbabayad ng buwis.
Aniya, nakatulong rin ang maraming artista at sikat na personalidad, tulad nina Taylor Swift at Jennifer Lopez, na sumusuporta kay Harris sa pagtaas nito sa survey.
Idinagdag pa nito ang pag-atake ng mga tagasuporta ni Trump kay Lopez ay nagbunsod ng galit mula sa mga Puerto Ricans, na nakaapekto ngayon sa kanyang mga boto.