Posibleng lumobo ang populasyon dahil sa inaasahang dagdag na dalawang milyon kada taon.

Ito ay base sa pag aaral ng Commission on Population and Development o POPCOM kung saan nagbabanta ito sa paglala ng kahirapan sa bansa.

Kada minuto umano kasi ay may tatlong bagong sanggol kung saan maaring umabot sa 1.5 million kada taon at kung magtuloy tuloy ay maari itong umabot ng hanggang dalawang milyon ang dagdag sa populasyon sa bansa.

Dahil sa nakikitang maaring sitwasyon ng Pilipinas, dapat bang ipatupad ang One Child Policy?

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Herita Macarubbo, director ng POPCOM R02, sinabi niya na hindi pa rin maaring ipatupad ito dahil bukod sa karamihan sa mga Pilipino ay Katoliko, nakasaad din umano sa Konstitusyon ang karapatan ng mag-asawa na magplano ng bilang ng kanilang magiging anak.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikita naman ng director na ang solusyon para sa problemang ito ay ang family planning kung saan hindi lang sa paglimita ng bilang ng anak ang nakasaad dito kundi maging sa kung kailan ang susunod na pagbubuntis na kung maari ay nasa tatlo hanggang limang taon ang agwat at iba pang aspeto ng pagpapamilya kagaya ng paggamit ng natural at artificial family planning method.

Ngunit, ano nga ba ang dahilan ng inaasahang pagtaas ng bilang ng populasyon?

Sinabi ni Director Macarubbo na sa kabila ng kanilang mga programa para sa mga mag-asawa, marami pa rin umano ang hindi gumagamit ng mga nasabing method at dagdag pa dito ang lumalabas sa National Demographic and Health Survey na hindi nakakamit ng mga kababaihan ang kanilang kagustuhan na bilang ng anak kung saan mayroon umanong sumusobra na isa dahil na rin sa takot na gumamit ng family planning method at nais ng mga kalalakihan ang mas maraming anak.

tinig ni Macarubbo

Samantala, sa epekto naman ng ekonomiya sa bansa, nakikita ng National Economic and Development Authority o NEDA R02 na hindi umano ito nakakabahala basta nasusustentuhan lamang ang pangangailangan ng pamilya.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ferdinand Tumaliuan, Asst. Director ng NEDA R02, sinabi niya na base sa Demographic Dividend ay nakikitang maganda umano ito kung nakakamit ang ilang kondisyon tulad ng pagkakaroon ng trabaho dahil karamihan sa populasyon ng bansa ay nasa working age group.

Kung masusunod umano ito ay hindi nakakabahala ang inaasahang paglobo ng populasyon kundi mas maganda pa ang epekto nito sa usapin sa ekonomiya kung kayat dapat ding bigyan ng pansin ng gobyerno ang pagkakaroon ng bakanteng trabaho na maaring pasukan.

Kinakailangan lamang umanong tutukan dito ang mga pamilya na walang trabaho lalo na sa mga nasa rural areas dahil sila pa umano kasi ang mas maraming bilang ng anak at naapektuhan ang nutrisyon ng mga bata, maging sa kanilang pag aaral.

tinig ni Tumaliuan

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, isa ang isyu sa populasyon ang kanilang babantayan sa ilalim ng bubuuing Zero Hunger Inter-Agency Task Force.

Aalamin umano dito ang dahilan ng pagkakaroon ng unplanned pregnancy o ang teenage pregnancy at ang naiaambag nito sa hunger cases sa bansa upang mabigyan kaagad ng solusyon.

Sa opinyon naman ng kalihim, nakakabahala umano kung magpapatupad ng paglimita sa bilang ng anak tulad ng One Child Policy ng China kung kayat pinakamainam parin umano ang tamang pagplaplano ng pamilya na siya ring nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Target ng nasabing Task Force kung saan siya ang magsisilbing Chairman, na sa taong 2030 ay mawakasan na ang problema sa kagutuman sa bansa.

Kung pagbabasehan umano kasi ang resulta ng hunger survey ng Social Weather Station o SWS, nasa 2.4 million na pamilya sa bansa ang nakakaranas ng moderate to extreme hunger kung kayat abala sila ngayon kasama ang ibat ibang ahensya ng gobyerno para sa gagawing hakbang para mapagtagumpayan ang kanilang hangarin.

Uunahin umano ang 31 probinsiya na may mataas umano ng bilang ng pamilyang nagugutom para malaman kung ano ang naangkop na programa at proyekto ang dapat na iimplementa upang masulosyunan ang nasabing problema.

Target din nilang mapababa ng 25% ang kagutuman bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte at umaasa ito na itutuloy ng susunod na administrasyon ang kanilang nasimulan.

tinig ni Nograles

Sa panig naman ng Simbahang Katolika, sinabi ni Fr. Gerard Perez, dating nakatalaga sa Family and Life Ministry at kasalukuyang Parish Priest sa San Jose, Baggao, na desisyon parin ng mag-asawa ang kagustuhan nilang bilang ng anak.

Ang maari lamang magawa umano ng simbahan at ng gobyerno ay mabigyan sila ng edukasyon para sa tamang pagpapamilya.

Nakasaad din umano sa Bibliya, sa unang bahagi ng Genesis na “Go Forth and Multiply” ngunit dapat umanong maging responsable sa pamamagitan na kayang buhayin at masustentuhan ang pangangailangan ng kanilang mga anak.

tinig ni Fr.Perez

Sa ganitong mga problema na maaring makaharap ng bansa, maganda ang pagtalakay sa mga nais na maipatupad upang kaagad itong mabigyan ng solusyon ngunit pinakaimportante parin ang pagsaalang-alang sa mga ipinapatupad na aral ng Panginoon na dapat ay hindi sana ito nakokontra sa mga nais na iimplementa.