Dating alitan sa pamilya ang nakikitang motibo ng pulisya sa paghagis ng isang granada sa Brgy outpost ng Brgy Lallayug, Tuao, Cagayan, kagabi.
Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office na tatlong biktima na nasa kubo ang nasugatan mula sa shrapnel ng sumabog na granada na kinilalang sina Hermogenes Garduque Ganaban, Barangay Kagawad; Honorato Zingabo Tangaro, at Domingo Abig Sanchez, kapwa Brgy. Tanod ng nabanggit na barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon, dalawang sakay ng motorsiklo ang sumigaw ng ‘Happy New Year’ sabay hagis ng granada sa outpost kung saan nakaduty ang mga biktima.
Ayon kay Gano, target sa naturang pagpapasabog si Brgy Chairman Jomar Garduque ng Lallayug dahil sa dating alitan ng pamilya na nag-ugat sa kasong isinampa ni Kapitan laban sa ama ng nakilalang suspek na si Paolo Doctor, residente ng Brgy. Bagumbayan.
Nabatid na ilang minuto lamang nang makaalis sa kubo si kapitan kung kaya hindi siya nadamay sa nangyaring pagpapasabog.
Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang nakilalang suspek, kabilang na ang backrider nito habang nakalabas na sa pagamutan ang tatlong biktima na nagtamo ng minor injury.