CTTO

TUGUEGARAO CITY-Maghahain ng resolusyon sa kongreso si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares para imbestigahan ang di umano’y pagmimina ng magnetite black sand sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Dahil dito, pinayuhan ni Colmenares ang mga tutol dito na magsumite ng mga kaukulang dokumento para maihapag ito sa kongreso sa tulong ng mga makabayan congressmen.

Matatandaan na paulit-ulit na itinanggi ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na may nagaganap na black sand mining sa bukana ng Cagayan river bagkus dredging operation ang gagawin dito batay umano sa pinasok na kasunduan sa Pacific Offshore Exploration Inc. (POEI) na inaprubahan ng provincial board.

Sa pagharap sa regular session ng sanguniang panlalawigan ni Atty. Dominador Say, legal counsel ng kumpanya, nilinaw niya na wala pang actual dredging sa ilog at ang mga namamataang barko ay nagsasagawa umano ng exploratory and testing activities na isa sa mga pangunahing requirements para sa kanilang full operation.

Hindi naman kumbinsido dito ang ilang miyembro ng provincial board dahil barko-barko ang nakikitang ini-extract na black sand.

-- ADVERTISEMENT --

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, binigyang diin ni Colmenares na isa ring Human Rights Lawyer na kailangan na mayroong kongkretong plano sa mga aktibidad na gagawin sa Cagayan river.

Aniya, ipinakita sa kaniyang dinaluhang public forum on black sand mining na inorganisa ng Archdiocese of Tuguegarao sa bayan ng Aparri na may mga masisirang fish habitat at iba pang yamang tubig sa dredging operation na sinasabing black sand mining.

Tanong tuloy ni Colmenares na bakit muling bubuhayin ang Port of Aparri gayong mayroon namang Port Irene sa bayan ng Sta. Ana na maaaring gamitin para mapaunlad ang kalakalan dito sa Cagayan na siyang sinasabing dahilan kaya bubuksan ang naturang pantalan.

Dagdag pa ni Colmenares na lumabas din sa isinagawang pag-aaral na ang tanging solusyon sa madaling pag-apaw ng tubig sa ilog Cagayan ay ang pagtatanim ng mga puno sa kabundukan para hindi basta basta naaanod ang mga lupa at naitatambak sa ilog kung mayroong malakas na pag-ulan.

Aniya, wala ring silbi kung tanggalin ang mga naipong lupa o buhangin sa ilog dahil mapapalitan ito kung may malakas na pag-ulan dahil nakakalbo na ang mga kagubatan.

Tinig ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares

Kasama ang dating mambabatas sa mga resource speaker sa naturang forum at tinalakay nito ang mga problema sa pagsasagawa ng dredging kung saan mas marami umano ang hatid nitong suliranin kumpara sa sinasabing solusyon./ with reports from Bombo Marvin Cangcang