Hinatulan ng dalawang taong pagkakakulong ng korte sa Thailand si Jakkaphong Anne Jakrajutatip, dating Chief Executive Officer (CEO) ng JKN Global Group at Miss Universe Organization, kaugnay ng panlilinlang o fraud na nagkakahalaga ng 30 milyong baht o US $930,000.

Ayon sa Phra Khanong Tai District Court, parehong guilty sina Jakrajutatip at ang JKN Global Group bilang kasabwat sa panlilinlang.

Pinagmulta ang kumpanya ng 40,000 baht habang si Jakrajutatip ay hinatulan ng dalawang taong pagkakabilanggo na walang probation.

Hindi dumalo si Jakrajutatip sa pagdinig at pinaniniwalaang tumakas na sa South America matapos i-convert ang humigit-kumulang 6 bilyong baht sa cryptocurrency.

Inakusahan siya ng nagsakdal na si Dr. Raviwat Maschamadol ng panlilinlang at pagtatago ng mahahalagang impormasyon upang mahikayat siyang mag-invest sa bond ng JKN noong Hulyo–Agosto 2023.

-- ADVERTISEMENT --

Si Jakrajutatip, 46 anyos, ay kilalang transgender businesswoman sa Thailand at dati ring ikatlong pinakamayamang transgender sa mundo ayon sa Forbes noong 2020.

Nagbitiw siya bilang CEO ng Miss Universe noong Hunyo 20.