Inamin ng dating Bulacan 1st district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Henry Alcantara na gumagamit siya ng “alyas” at pekeng ID para makapasok sa casino.

Sinabi ni Alcantara sa pagdinig ng House of Representatives tungkol sa flood control projects kahapon, na batid niya na bawal pumasok ang mga government employee sa casino.

Iniuugnay si Alcantara sa ilang maanomalya umanong flood control projects sa Bulacan, na dahilan para alisin siya sa kaniyang puwesto.

Sa pagdinig, tinanong si Alcantara kung papaano siya nakakapasok sa casino.

Ang kanyang sagot, may ibinigay daw sa kanya na ID na iba ang nakalagay na pangalan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagdinig naman ng Senado noong Lunes, sinabi ni Alcantara na kasama niyang nagpupunta sa casino sina engineer districts Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na dati niyang mga kasama sa Bulacan 1st Engineering District.

Sa hiwalay na pagdinig sa Kamara sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), napag-usapan din ang pagsusugal ng ilang opisyal at kawani ng gobyerno.

Ayon sa PAGCOR, umaabot sa P180 milyon na panalo sa casino ang nakatabi matapos na mapag-alaman na mga kawani ng gobyerno ang nanalo.

Isang konsehal pa umano ang nagbitiw sa puwesto para makubra ang napanalunan nitong P14 milyon sa sugal.

Pero humihingi umano ang PAGCOR ng sertipikasyon mula kay Interior Secretary Jonvic Remulla upang makumpirma ang kaniyang pagbibitiw.

Sa ilalim ng Administrative Code of 1987, bawal sa government employees na magsugal.

Ipinagbabawal din sa mga government official at employee na pumasok sa mga casino sa ilalim ng Memorandum Circular No. 6 series of 2016 ng Office of the President.

Aminado ang PAGCOR na hirap silang masala ang mga pumapasok sa casino kaya nagpatupad sila ng “second screening” sa mga mananalo.