
Bumalik sa Philippine National Police General Hospital (PNPGH) nitong Martes ng hapon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan habang nakabinbin ang kanyang mosyon para sa hospital arrest kaugnay ng kasong graft at plunder na may kinalaman sa umano’y flood control anomaly.
Ayon sa ulat, dumating sa PNPGH bandang alas-4 ng hapon ang ambulansyang lulan si Bonoan matapos siyang dalhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mula sa Sandiganbayan.
Nauna rito, iniharap si Bonoan sa Sandiganbayan para sa arraignment ngunit ipinagpaliban ito hanggang Hunyo 4 dahil sa mga nakabinbing mosyon ng mga akusado.
Kinumpirma rin ng Sandiganbayan Fifth Division na naghain si Bonoan ng mosyon para sa hospital arrest matapos ma-admit sa PNPGH dahil sa mataas na presyon ng dugo.
Sa pagharap niya sa korte, napag-alamang may hypertension at diabetes si Bonoan at pinayuhan din ng mga medical personnel na sumailalim sa karagdagang pagsusuri, kabilang ang konsultasyon sa cardiologist.
Ayon sa PNPGH, nanatili siya ng isang gabi sa ospital matapos makaranas ng hypertension ngunit kalaunan ay binigyan ng medical clearance matapos maging stable ang kanyang kondisyon.
Si Bonoan, kasama si Senador Jinggoy Estrada at iba pang opisyal ng DPWH, ay nahaharap sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y flood control controversy at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad.




