
Inihayag ng Philippine National Police General Hospital (PNPGH) na maaari nang ilipat sa Sandiganbayan si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan matapos siyang mabigyan ng medical clearance nitong Martes.
Ayon kay PNPGH Chief Police Colonel Cleto Manongas, naging stable na ang lagay ni Bonoan matapos siyang ma-admit noong Lunes dahil sa reklamo ng bigat ng ulo at mataas na blood pressure matapos sumuko sa mga awtoridad sa Camp Crame.
Aniya, na-monitor at nabigyan ng lunas ang dating opisyal, at mula sa initial na 170/100 na blood pressure ay bumaba ito sa 120/70 at wala na itong sintomas.
Sinabi rin ng ospital na handa na ang dokumento para sa kanyang paglipat sa Sandiganbayan.
Kaugnay ito ng paglabas ng arrest warrant ng Sandiganbayan Fifth Division laban kay Bonoan at iba pa dahil sa kasong plunder at graft na may halagang 573 milyong piso.
Kabilang sa mga kinasuhan at nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang Senador Jinggoy Estrada, DPWH NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, DPWH NCR District Engineer Manny Bumagat Bulusan, at DPWH NCR District Engineer Arturo Lombres Gonzales Jr.
Matapos ang booking procedures, nauna nang naiturn-over sa Sandiganbayan ang ibang akusado at kasalukuyang nakakulong na, habang si Bonoan ay nananatili muna sa ospital bago ang tuluyang paglipat.




