Inamin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary at state witness Roberto Bernardo na hindi naging madali para sa kanya na idawit si Senador Jinggoy Estrada sa umano’y pagtanggap ng ₱573 milyong kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan nitong Miyerkules, sinabi ni Bernardo na hindi pa siya nakapagtuturo kay Estrada sa una niyang affidavit noong Setyembre 2025 dahil wala pa umano siyang kumpirmasyon at matibay na ebidensiya noon.

Aniya, mahirap umanong idawit ang isang kaibigan at kinailangan muna niyang tiyakin ang mga impormasyong may kaugnayan sa senador.

Ayon kay Bernardo, ang umano’y ₱573 milyong kickback ay naihatid kay Estrada sa apat na magkakahiwalay na pagkakataon mula Nobyembre 2024 hanggang Hunyo 2025. Gayunman, inamin niyang personal lamang niyang naihatid ang pera noong Hunyo 2025, kasama ang kaniyang driver.

Sinabi rin ni Bernardo na humiling umano si Estrada ng ₱1 bilyong alokasyon mula sa Senate leadership fund para sa gastusin sa halalan noong 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, itinanggi ni Estrada ang paratang at iginiit na hindi sa kanya naghatid ng pera si Bernardo. Sinabi rin ng senador na nasiyahan siya sa naging pagtatanong ng kaniyang mga abogado at binigyang-diin na hindi magkakatugma ang mga pahayag ng state witness.