Kinumpirma ng Benguet Police ang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Catalina Cabral matapos umanong mahulog sa isang bahagi ng Kennon Road.

Ayon kay Police Major Peter Camsol, hepe ng Tuba Municipal Police Station, idineklara ang pagkamatay ni Cabral ng isang municipal doctor dakong alas-12:03 ng madaling araw ng Biyernes sa tabi ng Bued River.

Bandang alas-12:30 ng madaling araw nang marekober ang kanyang mga labi at inihanda para ilipat sa isang funeral home.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa mga pangyayari at tunay na sanhi ng pagkamatay ni Cabral.

Una rito, iniulat na natagpuan si Cabral na walang malay at hindi na tumutugon sa may layong 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng highway sa Kennon Road.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-3 ng hapon noong Huwebes ay bumiyahe si Cabral kasama ang kanyang driver patungong La Union. Hiniling umano niya na ibaba siya sa bahagi ng Maramal sa Kennon Road at pinauwi ang driver.

Bumalik ang driver bandang alas-5 ng hapon ngunit hindi na niya nakita si Cabral. Humingi siya ng tulong sa pulisya bandang alas-7 ng gabi.

Natagpuan ng mga pulis ng Baguio City Police Office si Cabral sa gilid ng Bued River noong gabing iyon.

Naglabas din ng direktiba ang Office of the Ombudsman na kunin at ingatan ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral para sa imbestigasyon.

Nagbitiw sa puwesto si Cabral noong Setyembre matapos maiugnay sa mga imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects at alegasyon ng kickbacks na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno at mambabatas.