Huli sa drug buy-bust operation ang dating drug surrenderee sa bayan ng Enrile, Cagayan kahapon.

Isinagawa ang operasyon ng Drug Enforcement Unit/Intelligence Operatives ng Enrile Police Station, 201st at 202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 2, na nagresulta sa pagkakahuli kay alyas Dodong, 49-anyos, may-asawa, tricycle driver, residente ng Barangay San Jose sa nasabing bayan.

Nadakip si Dodong matapos na bentahan ng isang piraso ng heat-sealed plasctic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu ang isang operatiba.

Bukod sa ibinenta na isang sachet ng shabu ng suspek, nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang limang piraso ng plastic sachet na may laman na pinaniniwalaan ding shabu, ang pera na ginamit sa buy-bust operation, boodle money, at cellphone.

Dinala ang suspek sa Enrile Police Station para sa documentation, habang ang mga nakuhang droga sa kanyang pag-iingat ay dinala sa Regional Forensic Unit 2 sa Tuguegarao City para sa karagdagang pagsusuri.

-- ADVERTISEMENT --

Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.