TUGUEGARAO CITY- Abswelto si dating Governor Edgar Ramones Lara sa kasong graft na isinampa ni dating Governor Alvaro “Bong” Antonio noong 2008 kaugnay sa ipinatayong dating Cagayan Town Center o Paseo Reale sa pamamagitan ng bond flotation na nagkakahalaga ng mahigit sa P213M.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Levito Baligod, legal counsel ni Lara na walang nakitang korapsyon o iregularidad sa pagpapatayo ng nasabing proyekto taliwas sa naging alegasyon ng kampo ni Antonio.
Matatandaan na kinwestyon ng kampo ni Antonio ang pagpili ni Lara ng Preferred Ventures Inc. bilang financial adviser o consultant sa nasabing proyekto, wala umanong nangyaring public bidding at walang authorization mula sa Sangguniang Panlalawigan.
Nakasaad pa sa reklamo na sobra umano ang ibinayad sa contractor ng proyekto.
Gayonman, sinabi ni Baligod na napatunayan sa promulgation na walang mali o paglabag sa batas sa pagpapatayo ng proyekto matapos na mismong ang mga dokumento ng complainant ang ginamit niya sa kanilang depensa.
Idinagdag pa niya na sa pagdinig ay napaamin niya ang witness ng complainant na bago pa man ang actual inspection sa proyekto ay dati na silang gumawa ng inspection report.
Bukod dito, sinabi umano ni Antonio na hindi niya alam ang tungkol sa mga dokumento o mga ebidensiya na kanilang iprinisinta sa Sandiganbayan.
Kasabay nito, sinabi ni Baligod na bago pumasok sa bond flotation si Lara para pondohan ang proyekto ay kinuha nito ang legal opinion ng Department of Justice, DILG at Bangko Sentral ng Pilipinas upang matiyak na wala itong lalabaging batas.
Sinabi niya na ang layunin ni Lara sa bond flotation ay para makalikom ng pondo para sa proyekto na ang layunin ay para kumita din ang pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Baligod, sa loob lamang ng apat na taon ay nabayaran ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang pagkakautang.
Kaakibat ng pagkakaabswelto ni Lara ay wala na rin siyang civil liability matapos na unang pinagbabayad ang kanyang kliente ng P48 million.
Bukod dito, ipinag-utos ng korte na ibalik ang pyansa ni Lara at pagbawi sa ipinataw sa kanya na hold departure order.
Nabatid na ibinaba ang desisyon noong Pebrero 19 matapos na iakyat ang kaso sa Sandiganbayan mula sa Ombudsman noong 2011.