Pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol sa dating manager ng Government Service Insurance System (GSIS) na nagbulsa ng P8 million na halaga ng mapanlinlang o fraudulent claims.

Una rito, napatunayan ng Nueva Vizcaya Regional Trial Court na guilty si GSIS Bayombong branch manager Ana Maria Fedelis ng pagbulsa ng kita mula sa mga gawa-gawa na GSIS EduChild claims na nagkakahalaga ng P8 million na kanyang nilikha, prinoseso at inaprubahan na walang authority at walang naghain ng nasabing claims na policyholders.

Ayon sa Sandiganbayan, ang P8 million mula sa GSIS EduChild ay inilagay sa bank account ni Fedelis.

Nilikha ng GSIS ang EduChild, isang loan facility para tulungan ang mga miyembro na magbigay ng college education benefits para sa kanilang mga anak o beneficiaries.

Sa resolusyon, sinabi ng antigraft court, matapos ang masusing pag-aaral sa mga iprinisintang records ng mga kaso maging ang testimonya at ilang dokumento, pinagtibay nito na tama ang ruling ng Nueva Vizcaya RTC Branch 27, kung saan napatunayan ng prosecution ang pagkakasala ng akusado.

-- ADVERTISEMENT --

Hinatulan si Fedelis ng walo hanggang 12 taong pagkakakulong dahil sa malversation of public funds.

Sinentensiyahan din siya ng walong taong pagkakakulong dahil sa kanyang graft conviction, habang ang kanyang paglabag sa GSIS law ay may katumbas na 10 taong pagkakakulong.

Para sa paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, hinatulan si Fedelis na makulong ng anim hanggang walong taon, bukod pa sa pagbabayad ng P6.9 million.

Pinagbalawan na rin si Fedelis na humawak ng anomang public office.