
Patay ang isang dating guro matapos siyang barilin habang nagpapagasolina sa Bayambang, Pangasinan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Alfredo dela Cruz, 60-anyos, residente ng Barangay Bical Norte.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagpapagasolina ang biktima nitong Martes ng umaga nang lapitan siya ng suspek at barilin sa ulo.
Tumakas ang suspek pero nakilala siya sa tulong ng closed circuit television (CCTV) camera, at nahuli siya sa follow-up operation sa bayan ng Sual.
Ayon kay Bayambang Police Chief Lt. Col. Rommel Bagsic, may dati nang alitan ang dalawa dahil sa right of way sa kanilang tinitirhan.
Sinabi ni Bagsic na unang nagpa-blotter sa barangay ng Bical Norte ang biktima matapos na sarhan ng suspek ang daanan nila papunta sa kanilang bahay.
Ayon sa reklamo ng biktima, walang karapatan na sarhan ng suspek ang kanilang daanan dahil sa ito ay right of way.
Nalaman din ng pulisya na may kinakaharap na iba pang kaso ang suspek at nakalalaya lang sa bisa ng piyansa.
Sinampahan ng kasong murder ang suspek