
Kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman ang dating pinuno ng Land Transportation Office (LTO) na si Atty. Vigor Mendoza at pribadong indibidwal na si Annabelle Arcilla-Margaroli kaugnay ng umano’y iregular na pagbabayad ng P470 milyon sa isang pribadong kompanya para sa pagpapatupad ng Motor Vehicle License Plates Standardization Program (MVLSP).
Ayon sa reklamo ni Caesar Zamoranos ng PPI-JKG Philippines, inilabas umano ni Mendoza ang nasabing halaga sa kabila ng patuloy na alitan sa pamunuan ng PPI-JKG. Dahil dito, iginiit ng nagrereklamo na nagkaroon ng pagkiling at kapabayaan sa panig ng dating opisyal na nagresulta sa paglabas ng pondo sa maling partido at nagdulot ng pinsala sa kanya at sa isa pang kasosyo, si Christian Calalang.
Batay sa reklamo, nagbago umano ng mga pangalan ng mga stockholder at direktor si Margaroli sa PPI-JKG, na nagdulot ng pagtatalo sa tunay na may-ari ng kompanya. Dahil dito, iginiit ng nagrereklamo na hindi naipreserba ng LTO ang pampublikong pondo na dapat sana ay hinintay munang maresolba ng korte ang usapin.
Pinabulaanan naman ni Mendoza ang mga paratang at iginiit na walang batayan ang reklamo laban sa kanya. Sinabi niyang ang mga pagbabayad sa PPI-JKG ay ginawa alinsunod sa utos ng Korte Suprema matapos makapaghatid ng mga plaka ang kompanya, bilang bahagi ng pagsisikap ng LTO na maresolba ang matagal nang problema sa backlog ng mga plaka.
Idinagdag din ng dating opisyal na walang direktang kontrata ang LTO sa nasabing pribadong indibidwal na si Margaroli at walang anumang bayad na naipadala sa kanya.
Ang reklamo ay kasalukuyang nasa Ombudsman para sa imbestigasyon at posibleng pagdinig hinggil sa alegasyon ng katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan.