Sumalang sa dalawang araw na SAMBAYANAN Cooperative Capacity Training at Task Force Balik Loob People’s Organization Summit ang mga dating kasapi ng New People’s Army sa farm school sa Brgy. Anquiray , Amulung, Cagayan.
Batay sa 17th Infantry Battalion, Philippine Army, layunin ng aktibidad na magbigay ng mga kaalaman at kasanayan na magbibigay ng bagong pag-asa at oportunidad sa mga dating kasapi ng armadong grupo upang makapagbagong-buhay sa kanilang komunidad.
Ito rin ay isang paraan upang magbigay-daan para sa pagsasanay at pagpapalakas ng kapasidad ng mga kooperatiba at mga organisasyon ng mga dating rebelde.
Nagkaroon din ng pagtitipon patungkol sa Enhance Comprehensive Local Integration Program o (ECLIP), at update sa mga plano para sa mga programa ng pamahalaan.
Namahagi rin ang grupo ng Task Force Balik Loob ng libro “Balik-Loob Balik-Pamilya Handbook” na naglalaman ng mahahalagang impormasyon at gabay para sa mga indibidwal na sumusubok na makabangon at magbalik sa kanilang pamilya.
Ang hakbang na ito ay para matiyak ang mga kaukulang tulong sa mga former rebels at mamuhay ang mga ito ng payapa sa piling ng kanilang mahal sa buhay.